Pagkontrol sa Iyong Kolesterol
Ang kolesterol ay isang masebong bagay. Kailangan ito ng iyong katawan upang manatiling malusog. Ngunit nagdudulot ng mga problema ang labis nito. Dumadaloy ito sa iyong dugo sa pamamagitan ng mga daluyan ng dugo. Kung napakarami ang iyong kolesterol sa dugo, maaari itong mamuo sa mga dingding ng mga daluyan ng dugo. Ginagawa nitong mas makitid ang mga daanan ng dugo at binabawasan ang daloy ng dugo. Kaya nasa mas mataas na panganib ka ng atake sa puso o stroke.
Mabuti at masamang kolesterol
Isang uri ng lipid ang kolesterol. Ang mga lipid ay mga taba. Ang dugo ay karamihang tubig. Hindi naghahalo ang taba at tubig. Kaya dinadala ang mga lipid sa dugo sa loob ng protein shell. Tinatawag ang mga ito na mga lipoprotein. May 2 pangunahing uri ng mga lipoprotein:
-
LDL (low-density lipoprotein). Kilala ito bilang masamang kolesterol. Karaniwang dinadala nito ang kolesterol sa mga selula ng katawan. Mamumuo ang mga labis na LDL sa mga dingding ng arterya. Pinatataas nito ang iyong panganib sa pagkakaroon ng sakit sa puso at stroke.
-
HDL (high-density lipoprotein). Kilala ito bilang mabuting kolesterol. Kinokolekta ng protein shell na ito ang labis na kolesterol na naiwan ng mga LDL sa mga dingding ng daluyan ng dugo. Iyon ang dahilan kung bakit maibababa ng matataas na antas ng HDL ang iyong panganib ng pagkakaroon ng sakit sa puso at stroke.
Pagkontrol sa mga antas ng kolesterol
Kabilang sa kabuuang kolesterol ang LDL at HDL na kolesterol, pati na rin ang iba pang taba sa dumadaloy na dugo. Kung mataas ang iyong kabuuang kolesterol, sundin ang mga hakbang sa ibaba upang matulungan kang pababain ang iyong antas ng kabuuang kolesterol:
Kumain ng mas kaunting di-malusog na taba
-
Magbawas sa mga saturated fat at trans fat. Itinataas ang iyong masamang kolesterol ng diyeta na mataas sa mga taba na ito. Hindi sapat na bawasan lang ang mga pagkaing nagtataglay ng kolesterol. Tinatawag ding partially hydrogenated oil ang mga trans fat. Pumili ng mga hiwa ng karne na purong laman at mga produktong gawa sa gatas na kakaunti ang taba. Gumamit ng mga langis sa halip na mga solidong taba. Limitahan ang mga pagkaing hinurno, naprosesong karne, at pritong pagkain.
-
Kumain ng halos 2 takal ng isda bawat linggo. Ang dami ng isang takal ay halos 3.5 na onsa. Kasama sa magagandang pagpipilian ang salmon, tamban, tuna, sardinas, o alumahan. Hindi dapat iprito ang isda. Nagtataglay ang karamihang isda ng mga omega-3 fatty acid. Tumutulong ang mga ito na pababain ang kabuuang kolesterol sa dugo. Pinababa ng mga omega-3 fatty acid ang mga antas ng triglyceride, isa pang anyo ng taba sa dugo. Kung buntis ka, nagpaplanong magbuntis, o nagpapasuso, makipag-usap sa iyong tagapangalaga ng kalusugan para sa payo. Itanong ang pinakamagandang mga pipiliing isda at kung gaano ang ligtas na kainin.
-
Kumain ng mas maraming buong butil. Kumain ng natutunaw na fiber gaya ng oat bran. Pinababa ng mga ito ang kabuuang kolesterol.
Maging aktibo
Ipinakita na pinatataas ng katamtamang pisikal na aktibidad ang high-density lipoprotein (HDL) na kolesterol, ang magandang kolesterol. Isa iyon sa maraming dahilan kung bakit makakatulong ang regular na pisikal na aktibidad na mapanatili kang malusog.
-
Kung hindi ka nag-eehersisyo nang regular, magsimula nang dahan-dahan. Magtanong sa iyong tagapangalaga ng kalusugan upang masiguro na tama para sa iyo ang plano ng pag-eehersisyo.
-
Pumili ng pisikal na aktibidad na nasisiyahan ka. Maglakad, lumangoy, o magbisikleta. Lahat ito ay magandang paraan upang maging aktibo ka.
-
Magsimula sa antas na kung saan komportable ang iyong pakiramdam. Dagdagan ang iyong oras at bilis nang kaunti bawat linggo.
-
Gawin ang 30 hanggang 40 minuto ng katamtaman hanggang mataas na tindi ng pisikal na aktibidad nang hindi bababa sa 3 hanggang 4 na araw kada linggo.
-
Tandaan, mas mahusay ang ilang aktibidad kaysa wala.
Ihinto ang paninigarilyo
Mapahuhusay ang iyong mga antas ng lipid ng paghinto sa paninigarilyo. Pinababa rin nito ang iyong panganib ng pagkakaroon ng sakit sa puso at stroke.
Kontrolin ang iyong timbang
Kung labis ang iyong timbang, tutulungan ka ng iyong tagapangalaga ng kalusugan upang magbawas ng timbang. Tutulungan ka nila na mapababa ang iyong BMI (body mass index) sa normal o malapit sa normal na antas. Maaaring makatulong ang paggawa ng mga pagbabago sa diyeta at pagdaragdag ng pisikal na aktibidad.
Uminom ng gamot ayon sa itinagubilin
Kailangan ng maraming tao ang gamot upang tulungan ang kanilang antas ng kolesterol. Mabisa at ligtas ang gamot upang magamot ang mataas na kolesterol. Pero dapat tandaan na hindi pinapalitan ng gamot ang ehersisyo at pagkain ng masusustansyang pagkain. Magkakasamang gumagana ang lahat ng ito. Masasabi sa iyo ng iyong tagapangalaga ng kalusugan kung kakailanganin mo ng gamot upang mapababa ang iyong kolesterol.
Online Medical Reviewer:
Heather M Trevino BSN RNC
Online Medical Reviewer:
L Renee Watson MSN RN
Online Medical Reviewer:
Marianne Fraser MSN RN
Date Last Reviewed:
4/1/2024
© 2000-2025 The StayWell Company, LLC. Lahat ng mga karapatan ay nakalaan. Ang impormasyong ito ay hindi nilalayon bilang kapalit ng propesyonal na medikal na pag-aalaga. Laging sundin ang mga tagubilin ng inyong propesyonal sa pag-aalaga ng kalusugan.