Mga Tagubilin sa Paglabas ng Ospital para sa Atake sa Puso
Nagkaroon ka ng atake sa puso (acute myocardial infarction). Nangyayari ang atake sa puso kapag biglang nagbara ang daluyan na nagdadala ng dugo sa iyong puso. Nagiging sanhi ito na hindi gumana ang iyong puso nang maayos na naaayon sa dapat nitong gawin. Sundin ang mga tagubilin na ito para sa pangangalaga sa tahanan at mga pagbabago sa pamumuhay.
Sa bahay
-
Siguraduhin na mayroon kang listahan ng lahat ng gamot na iniinom mo. Inumin ang iyong mga gamot kung papaano ito itinagubilin. Siguraduhing binigyan ka ng mga tagubilin tungkol sa iyong mga gamot at kung paano ito iinumin. Siguraduhing mayroon kang parmasya upang makakuha ng mga iniresetang gamot. Huwag lumaktaw ng dosis. Makipag-usap sa iyong tagapangalaga ng kalusugan kung hindi gumagana para sa iyo ang iyong mga gamot. Magkasama kayong makagagawa ng isa pang plano ng paggamot.
-
Tandaan na matagal ang paggaling pagkatapos ng atake sa puso. Planuhin na magrelaks sa loob ng hindi bababa sa 4 hanggang 6 na oras habang nagpapagaling ka. Pagkatapos, bumalik sa normal na gawain kapag sinabi ng iyong doktor na OK na.
-
Magtanong sa iyong doktor tungkol sa programa ng rehabilitasyon ng puso. Makatutulong ito na palakasin ang iyong puso at mga baga at bigyan ka ng mas maraming enerhiya at kumpiyansa.
-
Sabihin sa iyong doktor kung nakakaramdam ka ng depresyon. Karaniwan ang pakiramdam na malungkot pagkatapos ng atake sa puso. Ngunit mahalagang makipag-usap sa isang tao o humingi ng payo kung pakiramdam mo ay napupuspos ka ng mga damdaming ito. Pinakamadalas lumilipas ang mga damdaming ito sa loob ng isang buwan.
-
Tumawag kaagad sa 911 kung mayroon kang pananakit ng dibdib o pananakit na pumupunta sa iyong balikat, leeg, o likod. Huwag mongipagmaneho ang iyong sarili papunta sa ospital.
-
Hingin sa mga miyembro ng iyong pamilya na pag-aralan ang CPR. Mahalagang kasanayan ito na makakapagligtas sa mga buhay kapag kinakailangan ito.
-
Pag-aralang kuhanin ang sarili mong presyon ng dugo at pulso. Magtabi ng talaan ng iyong mga resulta. Itanong sa iyong doktor kung kailan ka dapat humingi ng emergency na medikal na atensyon. Sasabihin niya sa iyo kung aling sukat ng presyon ng dugo ang mapanganib.
Mga pagbabago sa pamumuhay
Malamang na sanhi ng sakit sa puso ang iyong atake sa puso. Makikipagtulungan sa iyo ang iyong tagapangalaga ng kalusugan para gumawa ng mga pagbabago sa iyong pamumuhay. Makatutulong ito na makaiwas sa paglala ng sakit sa puso. Pinakamalamang na kombinasyon ng diyeta at ehersisyo ang mga pagbabagong ito.
Diyeta
Sasabihin sa iyo ng iyong tagapangalaga ng kalusugan kung anong mga pagbabago ang kailangan mong gawin sa iyong diyeta. Maaaring kailangan mong makipagkita sa isang rehistradong dietitian para tulungan ka sa mga pagbabago sa diyeta. Maaaring kasama sa mga pagbabagong ito ang:
-
Pagbawas sa dami ng taba at kolesterol na kinakain mo
-
Pagbawas sa dami ng asin (sodium) na kinakain mo, lalo na kung mayroon kang mataas na presyon ng dugo
-
Pagkain ng mas maraming sariwang gulay at prutas
-
Pagkain ng mga walang taba na protina gaya ng isda, manok, beans, at peas, at pagkain ng mas kaunting pulang karne at mga prinosesong karne
-
Paggamit ng mga produktong gawa sa gatas na mababa sa taba
-
Paggamit ng mga langis ng gulay at mani sa limitadong dami
-
Paglimita sa kung gaano karaming matatamis at prinosesong mga pagkain tulad ng chips, cookies, at pagkaing na-bake ang kinakain mo
-
Paglimita kung gaano ka kadalas kumain sa labas. At kapag kumain ka sa labas, paggawa ng mas mainam na mga pagpipilian na pagkain.
-
Hindi pagkain ng mga prito o mamantikang pagkain, o mga pagkaing mataas sa saturated fat
Ehersisyo
Maaaring sabihin sa iyo ng iyong tagapangalaga ng kalusugan na mag-ehersisyo pa kung hindi ka naging pisikal na aktibo. Depende sa iyong kaso, maaaring irekomenda ng iyong tagapangalaga ang isang programa ng ehersisyo na mainam sa iyo. Mag-warm up nang 5 hanggang 10 minuto bago mag-ehersisyo at mag-cool down nang 5 hanggang 10 minuto pagkatapos mag-ehersisyo.
Ang programa ng rehabilitasyon ng puso
Itanong sa iyong tagapangalaga ng kalusugan ang tungkol sa programa ng rehabilitasyon ng puso. Ang rehabilitasyon ng puso ay isang programa na medikal na pinangangasiwaan upang tulungan ang mga taong may sakit sa puso. Dinisenyo ito upang mapahusay ang paggaling ng puso at ang iyong kakayahang kumilos. Tumutulong din ito na ihanda ka para sa mga aktibidad ng pang-araw-araw na pamumuhay. Maaaring nagkaroon kamakailan ng atake sa puso o operasyon sa puso ang mga tao sa programang ito. Maaari nitong mapawi ang iyong mga sintomas at mapabuti ang iyong pakiramdam. Dinisenyo ang iyong programa ng rehabilitasyon ng puso upang matugunan ang iyong mga pangangailangan. Pinangangasiwaan ito ng isang doktor sa puso at team ng mga tagapangalaga ng kalusugan ng puso. Maaaring tumagal ang iyong programa mula 6 na linggo hanggang isang taon.
Ang layunin ng rehabilitasyon ng puso ay makatulong na mapawi ang iyong mga sintomas at gawing malusog ang iyong puso hangga't maari. Maaaring kasama sa iyong programa ang:
-
Programa ng ehersisyo. Ginagawa nitong mas malusog ka, at tumutulong sa iyong puso na mas gumana nang maayos.
-
Mga klase upang makatulong sa iyo na baguhin ang iyong pamumuhay at mga gawi. Halimbawa, mga klase at suporta upang makatulong sa iyo na ihinto ang paninigarilyo. O maaari kang kumuha ng klase sa nutrisyon upang matutunan kung paano kumain nang mas mahusay.
-
Pamamahala ng stress. Matututunan mo kung paano pamahalaan ang stress upang mabawasan ang iyong pagkabalisa.
-
Pagpapayo. Makatutulong ito sa iyo na matutunan ang tungkol sa iyong partikular na kondisyon at kung paano mamuhay na mayroon nito.
-
Occupational therapy. Ito ay upang makatulong sa iyo na maghanda sa pagbalik sa trabaho o upang pangasiwaan ang mga karaniwang gawain sa pang-araw-araw na pamumuhay.
Iba pang pagbabago
Maaari ding irekomenda ng iyong tagapangalaga ng kalusugan na ikaw ay:
-
Magbawas ng timbang. Kung sobra ang iyong timbang o labis ang iyong katabaan, makikipagtulungan sa iyo ang iyong tagapangalaga para magbawas ng sobrang timbang. Maaaring makatulong ang paggawa ng mga pagbabago sa diyeta at pagkakaroon ng mas maraming ehersisyo. Ang mainam na goal ay magbawas ng iyong 10% ng iyong timbang ng katawan sa isang taon.
-
Ihinto ang paninigarilyo. Mag-sign up sa isang programa ng paghinto sa paninigarilyo para mas malamang na tumigil ka nang tuluyan. Maaari kang sumali sa isang suportang grupo ng paghinto sa paninigarilyo. O magtanong sa iyong doktor tungkol sa mga produktong kapalit ng nicotine o mga gamot upang makatulong sa iyong huminto.
-
Pag-aralan na pamahalaan ang stress. Mga pamamaraan sa pamamahala ng stress upang matulungan kang harapin ang stress sa iyong buhay pampamilya at trabaho. Tutulong ito sa iyo na mas gumanda ang pakiramdam at pagaanin ang bigat sa iyong puso.
-
Kontrolin ang iba pang kondisyon. Kung mayroon kang diabetes, mataas na presyon ng dugo, sakit sa bato, o mataas na kolesterol, makikipagtulungan sa iyo ang iyong tagapangalaga upang kontrolin ang mga sakit na ito. Lahat ng ito ay mga dahilan ng panganib para sa mga atake sa puso.
Mag-follow up
Siguraduhin na mayroon ka ng mga detalye tungkol sa lahat ng iyong medikal na appointment bago ka umalis ng ospital. O gumawa ng follow-up appointment ayon sa itinagubilin.
Tumawag sa 911
Tumawag kaagad sa 911 kung mayroon kang:
-
Pananakit ng dibdib o pananakit na dumadaloy sa iyong leeg, panga, likod, o balikat
-
Bagong kakapusan sa hininga
Kailan dapat tumawag sa iyong tagapangalaga ng kalusugan
Tumawag kaagad sa iyong tagapangalaga ng kalusugan kung mayroon kang:
-
Pagkalula, pagkahilo, o pagkahimatay
-
Pakiramdam ng hindi regular na tibok ng puso o mabilis na pulso
Online Medical Reviewer:
Callie Tayrien RN MSN
Online Medical Reviewer:
Stacey Wojcik MBA BSN RN
Online Medical Reviewer:
Steven Kang MD
Date Last Reviewed:
1/1/2022
© 2000-2025 The StayWell Company, LLC. Lahat ng mga karapatan ay nakalaan. Ang impormasyong ito ay hindi nilalayon bilang kapalit ng propesyonal na medikal na pag-aalaga. Laging sundin ang mga tagubilin ng inyong propesyonal sa pag-aalaga ng kalusugan.