Related Reading
Search Clinical Content Search Health Library
A B C D E F G H I J K L M N O P Q R S T U V W X Y Z A-Z Listings

Pangangalaga sa Sarili ng mga Adulto para sa Sipon

Ang sipon ay dulot ng mga virus, kaya hindi ito kayang gamutin ng mga antibayotiko. Walang lunas para sa karaniwang sipon, pero kaya mong paginhawahin ang mga sintomas at suportahan ang pagsisikap ng iyong katawan na gumaling nang kusa. Anuman ang sintomas na mayroon ka, siguraduhin na:

  • Uminom ng maraming likido (tubig o malinaw na sabaw), at iwasan ang mga inumin na may caffeine o masyadong maraming asukal

  • Huwag manigarilyo o uminom ng alak

  • Magkaroon ng maraming pahinga

  • Lumayo sa usok ng sigarilyo ng iba

  • Iwasan ang paglaganap ng mga virus ng sipon. Madalas na hugasan ang iyong mga kamay gamit ang sabon at malinis, dumadaloy na tubig nang hindi bababa sa 20 segundo. Maaari kang gumamit ng hand sanitizer na may alkohol na nagtataglay ng hindi bababa sa 60% ng alkohol kung walang magagamit na sabon at tubig. Subukang huwag hawakan ang iyong mukha ng mga kamay na hindi nahugasan. Iwasan ang malapitang pakikipag-ugnayan sa ibang tao. At manatili sa bahay habang mayroon kang sakit.

Babaeng nasa bahay, maysakit at nasa kama.

Alamin ang tungkol sa lagnat

  • Sukatin ang iyong temperatura nang ilang beses sa isang araw. Kung ang lagnat mo ay  100.4° F ( 38°C ) o mas mataas sa loob ng higit sa 1 araw, tawagan ang iyong tagapangalaga ng kalusugan.

  • Magrelaks at humiga. Matulog kung gusto mo. Basta bumangon ka at magpahinga. Uminom din ng maraming likido upang maiwasan ang dehydration.

  • Uminom ng acetaminophen o mga nonsteroidal anti-inflammatory drug (mga NSAID), tulad ng ibuprofen.

Paggamot sa baradong ilong

  • Sumanghab ng singaw o pinainit na mahalumigmig na hangin para mabuksan ang mga baradong daanan sa loob ng ilong. Tumayo sa mainit na shower o gumamit ng vaporizer. Mag-ingat na hindi mapaso ng singaw.

  • Tumutulong ang mga saline nasal spray at tabletang decongestant o nasal spray na buksan ang baradong ilong. Maaari ding makatulong ang mga antihistamine. Pero maging maingat sa masasamang epekto. Kasama rito ang pagkaantok at panunuyo ng mga mata, ilong, at bibig.

Paginhawahin ang masakit na lalamunan at ubo

  • Magmumog tuwing  2 oras na may  1/4 kutsarita ng asin na tinunaw sa  1/2 tasa ng maligamgam na tubig. Sumipsip ng throat lozenges at cough drops para mapaginhawa ang iyong lalamunan.

  • Magagamit ang mga gamot sa ubo. Pero hindi malinaw kung gaano kahusay gumagana ang mga ito.

  • Uminom ng acetaminophen o isang NSAID, tulad ng ibuprofen, para gumaan ang pananakit ng lalamunan. Sundin ang mga tagubilin sa pakete tungkol sa kung gaano karami ang gagamitin at gaano kadalas iinumin ang gamot.

Paginhawahin ang mga problema sa panunaw.

  • Ibalik ang mga likido sa iyong katawan. Madalas na humigop ng mga malinaw na likido, tulad ng tubig o sabaw. Umiwas sa mga inumin na may maraming asukal. Kasama rito ang mga juice at soda. Maaaring palalain ng mga ito ang pagtatae. Maaaring uminom ng mga sports drink ang mas malalaking bata at mga adulto.

  • Kapag bumalik na ang iyong gana sa pagkain, maaari ka nang bumalik sa normal mong diyeta. Tanungin ang iyong tagapangalaga ng kalusugan kung may anumang pagkain na dapat mong iwasan.

Kailan dapat tumawag sa iyong tagapangalaga ng kalusugan

Kapag una mong napansin ang mga sintomas, magtanong sa iyong tagapangalaga kung dapat kang uminom ng anumang inireresetang gamot. Hindi dapat inumin ang mga antibayotiko para sa sipon o trangkaso. Tumawag din sa iyong tagapangalaga ng kalusugan kapag mayroon ka ng alinman sa mga sintomas na ito:

  • Hindi ka gumagaling pagkaraan ng 7 araw

  • Pananakit ng tiyan o pagsusuka

  • Lumulubhang mga sintomas, lalo na pagkatapos ng panahon ng paggaling

  • Lagnat na  100.4° F ( 38°C) o mas mataas, o lagnat na hindi bumaba sa pamamagitan ng gamot, o ayon sa ipinayo ng iyong tagapangalaga

  • Pagkahilo o panghihina

  • Bahagyang kakapusan ng paghinga o paghingasing

  • Batik-batik, namumula, o napakasakit na lalamunan

  • Mga senyales ng pagkawala ng tubig sa katawan:

    • Labis na pagkauhaw

    • Maitim na ihi

    • Hindi umiihi nang madalas

    • Tuyong bibig

Kailan dapat tumawag sa 911

Tumawag sa 911 kaagad kung mangyari ang alinman sa mga ito:

  • Pananakit ng dibdib

  • Pag-ubo ng dugo

  • Mabilis o hindi regular na tibok ng puso

  • Matinding kahirapan sa paghinga

  • Biglaang pagkalito, pagkahimatay, o pagkawala ng malay

Online Medical Reviewer: Rita Sather RN
Online Medical Reviewer: Sabrina Felson MD
Online Medical Reviewer: Shaziya Allarakha MD
Date Last Reviewed: 3/1/2024
© 2000-2025 The StayWell Company, LLC. Lahat ng mga karapatan ay nakalaan. Ang impormasyong ito ay hindi nilalayon bilang kapalit ng propesyonal na medikal na pag-aalaga. Laging sundin ang mga tagubilin ng inyong propesyonal sa pag-aalaga ng kalusugan.
Powered by Krames by WebMD Ignite
About StayWell | Terms of Use | Privacy Policy | Disclaimer