Pilay sa Tuhod

Ang sprain o pilay ay isang pinsala sa mga litid o kapsula na nagdudugtong sa kasukasuan. Walang nabaling buto. Gumagaling ang karamihang pilay sa loob ng 3 hanggang 6 na linggo. Kung matinding pilay ito, na kung saan tuluyang napunit ang litid, maaari itong tumagal ng ilang buwan para gumaling.
Ginagamot ang karamihang pilay sa tuhod sa paggamit ng splint, brace sa tuhod para di-maikilos, o nababanat na pambalot para sa suporta. Maaaring bihirang mangailangan ng operasyon ang matitinding pilay.
Pangangalaga sa tahanan
-
Huwag gamitin ang napinsalang binti hangga't maaari hanggang sa makalakad kang gamit ito nang walang pananakit. Kung labis kang nasasaktan sa paglalakad, maaaring ireseta ang saklay o walker. (Maaaring rentahan o bilhin sa maraming parmasya at tindahan ng supply na pang-operasyon o orthopedic). Sundin ang payo ng iyong tagapangalaga ng kalusugan tungkol sa kung kailan maaaring puwersahin ang naturang binti.
-
Panatilihing nakataas ang iyong binti (elevated) para mabawasan ang pananakit at pamamaga. Kapag natutulog, maglagay ng unan sa ilalim ng napinsalang binti. Kapag nakaupo, suportahan ang napinsalang binti para mataas ito sa lebel ng puso. Napakahalaga nito sa unang 48 oras.
-
Maglapat ng ice pack sa napinsalang bahagi sa loob ng 15 hanggang 20 minuto sa bawat 2 hanggang 3 oras. Dapat mo itong gawin sa loob ng unang 24 hanggang 48 oras. Upang gumawa ng ice pack, maglagay ng mga piraso ng yelo sa isang plastic bag na naisasara sa ibabaw nito. Ibalot ang bag sa isang manipis na tuwalya. Ipagpatuloy ang paggamit ng mga ice pack upang maibsan ang pananakit at pamamaga kung kinakailangan. Habang natutunaw ang yelo, mag-ingat upang maiwasang mabasa ang iyong balot, splint, o cast. Pagkatapos ng 48 hanggang 72 oras, o ayon sa itinagubilin ng iyong tagapangalaga ng kalusugan, lapatan ng init (maligamgam na shower o paligo) sa loob ng 15 hanggang 20 minuto nang ilang beses sa isang araw, o halinhinan ang yelo at init. Maaari mong ilagay ang ice pack nang direkta sa splint. Kung dapat kang magsuot ng hook-and-loop knee brace, maaari mo itong buksan upang maglapat ng ice pack, o init, direkta sa tuhod. Huwag kailanman direktang maglagay ng yelo sa iyong balat. Palaging ibalot ang yelo sa isang tuwalya o iba pang uri ng tela.
-
Maaari kang gumamit ng mga gamot na nabibili nang walang reseta upang makontrol ang pananakit, maliban na lang kung may ibang iniresetang gamot para sa pananakit. Kung mayroon kang pangmatagalang sakit sa atay o bato, nagkaroon na ng ulcer sa sikmura o pagdurugo ng sikmura at bituka, o umiinom ng pampalabnaw ng dugo, makipag-usap sa iyong tagapangalaga ng kalusugan bago gamitin ang mga gamot na ito.
-
Kung nilagyan ka ng splint, panatilihin itong ganap na tuyo sa lahat ng oras. Maligo nang hindi nababasa ng tubig ang iyong splint, protektado ng 2 malalaking bag na plastik, nakaselyo ng mga lastiko o tape sa dulo. Kung mabasa ang fiberglass na splint, matutuyo mo ito gamit ang hair dryer na naka-set sa malamig. Kung nakasuot ka ng hook-and-loop knee brace, maaari mo itong tanggalin para maligo, maliban kung iba ang ipinayo.
Follow-up na pangangalaga
Mag-follow up sa iyong doktor, o ayon sa ipinayo. Hindi nagpapakita ng anumang nabasag, naputol, o nabaling mga buto ang anumang X-ray na isinagawa sa iyo ngayong araw. Kung minsan, hindi nakikita ang mga bali sa unang X-ray. Kung minsan, maaaring kasing sakit ang mga pasa at pilay ng bali. Maaaring magtagal upang ganap na gumaling ang mga pinsalang ito. Kung hindi bumuti ang iyong mga sintomas o lumalala pa ang mga ito, makipag-usap sa iyong doktor. Maaaring kailanganin mong ulitin ang X-ray. Kung kumuha ng mga X-ray, sasabihan ka kung may anumang bagong natagpuan sa iyong resulta na makakaapekto sa iyong pangangalaga.
Tumawag sa 911
Tumawag sa 911 kung mayroon kang:
-
Kakapusan sa hininga
-
Pananakit ng dibdib
Kailan dapat humingi ng medikal na payo
Tumawag kaagad sa tagapangalaga ng iyong kalusugan kung alinman sa mga ito ang mangyari:
-
Nabasa o lumambot ang splint o knee immobilizer brace
-
Nananatiling basa ang fiberglass na molde o splint sa loob ng mahigit sa 24 na oras
-
Mas lumalala ang pananakit o pamamaga
-
Manlalamig, magkukulay asul, mamamanhid, o manginginig ang napinsalang binti o mga daliri ng paa
Online Medical Reviewer:
Louise Cunningham RN BSN
Online Medical Reviewer:
Raymond Turley Jr PA-C
Online Medical Reviewer:
Thomas N Joseph MD
Date Last Reviewed:
2/1/2022
© 2000-2025 The StayWell Company, LLC. Lahat ng mga karapatan ay nakalaan. Ang impormasyong ito ay hindi nilalayon bilang kapalit ng propesyonal na medikal na pag-aalaga. Laging sundin ang mga tagubilin ng inyong propesyonal sa pag-aalaga ng kalusugan.