Depresyon
Napakakaraniwang problema sa kalusugan ng pag-iisip ang depresyon. Hindi lang ito isang kalagayan ng pagiging hindi masaya o kalungkutan. Isa itong tunay na sakit. Tila nauugnay ang dahilan sa pagbabago sa mga kemikal na nagdadala ng mga signal sa utak.
Pinatataas ng mga kadahilanang ito ang panganib ng depresyon ng isang tao:
-
Kasaysayan sa pamilya ng depresyon, pagkagumon sa alak, o pagpapakamatay
-
Malubhang sakit na hindi gumagaling
-
Hindi gumagaling na pananakit
-
Pananakit ng ulo dulot ng migraine
-
Mataas na emosyonal na stress
Maaaring mas madaling makita sa ibang tao ang depresyon. Maaaring nahihirapan kang makita ito sa iyong sarili. Maaari itong magpakita sa maraming pisikal at emosyonal na paraan. Kabilang sa mga ito ang:
-
Pagkawala ng gana
-
Labis na pagkain
-
Hindi makatulog
-
Labis na pagtulog
-
Labis na pagkapagod na hindi nauugnay sa pisikal na gawain
-
Hindi mapalagay o iritable
-
Pagiging mabagal sa pagkilos o pagsasalita
-
Pakiramdam na malungkot o paglayo sa iba
-
Pagkawala ng interes sa mga bagay na dati kang nasisiyahan
-
Hirap makatuon, makaalala, o gumawa ng mga desisyon
-
Mga saloobin na pananakit o pagpatay sa sarili, o mga saloobin na hindi makabuluhan ang buhay
-
Mababang pagpapahalaga sa sarili
Maaaring kabilang sa paggamot sa depresyon ang parehong medisina at psychotherapy. Maaaring maibsan ang mga sintomas ng mga antidepressant. Magagawa din ng mga ito na mapadali ang iyong mga pang-araw-araw na gawain. Maaaring mag-alok ang therapy ng emosyonal na suporta. Maaari din itong tumulong sa iyo na maintindihan ang mga bagay na maaaring nagiging sanhi ng depresyon.
Pangangalaga sa tahanan
-
Tumutulong ang nagpapatuloy na pangangalaga at suporta sa mga tao na kontrolin ang sakit na ito. Humanap ng tagapangalaga ng kalusugan at therapist na tumutugon sa iyong mga pangangailangan. Humingi ng tulong kapag nararamdaman mong parang maysakit ka.
-
Maging mabait sa iyong sarili. Siguraduhin na ginagawa mo ang mga bagay na nasisiyahan ka. Maaaring ito ay paghahardin, paglalakad sa kalikasan, panonood ng sine. Gantimpalaan ang iyong sarili para sa maliliit na tagumpay.
-
Pangalagaan ang iyong katawan. Kumain ng balanseng pagkain. Kumain ng mga pagkaing kaunti ang saturated fat. Kumain ng maraming prutas at gulay. Mag-ehersisyo nang hindi bababa sa 3 beses sa isang linggo nang 30 minuto. Maaari kang makaramdam ng ginhawa sa kahit banayad hanggang katamtamang ehersisyo gaya ng mabilis na paglalakad.
-
Uminom ng gamot ayon sa iniresetaa. Huwag ihinto ang iyong gamot o palitan ang dosis maliban kung makipag-usap ka sa iyong tagapangalaga ng kalusugan.
-
Sa sandaling simulan mo ang gamot, asahan unti-unting bubuti ang iyong mga sintomas. Maaalis ang depresyon sa paglipas ng panahon. Hindi ito gumagaling kaagad. Magtanong sa iyong tagapangalaga ng kalusugan kung gaano katagal bago magsimulang gumana ang gamot.
-
Huwag ipapainom sa iba ang iyong gamot. Huwag gamitin ang gamot ng ibang tao.
-
Sabihin sa iyong mga tagapangalaga ng kalusugan ang lahat ng gamot na iyong iniinom. Kasama rito ang mga gamot na inirereseta at nabibili nang walang reseta. Kasama rito ang mga bitamina at mga suplementong halamang gamot. Maaaring may reaksyon ang ilang supplement sa mga gamot. Maaaring magdulot ang mga ito ng mapanganib na masamang epekto. Itanong sa iyong parmasyutiko ang tungkol sa mga interaksyon ng gamot kapag may mga tanong ka.
-
Huwag gumawa ng malalaking desisyon hanggang sa bumuti na ang iyong pakiramdam. Kasama rito ang mga bagay gaya ng pagpapalit ng trabaho, diborsyo, o kasal.
-
Huwag uminom ng alak. Maaari nitong palalalain ang depresyon.
-
Makipag-usap sa iyong pamilya at mga pinagkakatiwalaang kaibigan tungkol sa iyong mga nararamdaman at saloobin. Hingin sa kanila na tulungan kang pansinin ang mga pagbabago sa pag-uugali nang maaga. Sa gayon ay makakahingi ka ng tulong at, kung kinakailangan, maaaring i-adjust ang iyong gamot.
-
Makipag-usap sa tagapangalaga ng iyong kalusugan kung hindi ka gumagaling. Maaari din niyang baguhin ang iyong gamot o ipasubok sa iyo ang isa pang paggamot.
Follow-up na pangangalaga
Mag-follow-up sa iyong tagapangalaga ng kalusugan gaya ng ipinapayo.
Pangangalaga sa krisis
Tumawag sa 988 kung may saloobin kang saktan ang iyong sarili o ang iba. Kapag tatawag ka o magte-text sa 988, ikokoneta ka sa mga sinanay na tagapayo sa krisis. Magagamit din ang isang opsyon na online chat. Libre ang lifeline at magagamit 24/7. Makikipagtulungan ang mga tagapayo sa 988 sa 911 upang tulungan ka na kumuha ng pangangalaga na kailangan mo.
Tumawag sa 988 kung ikaw ay:
-
May mga saloobin ng pagpapakamatay, plano na magpakamatay, at paraan na isagawa ang plano
-
May mga seryosong saloobin na manakit ng ibang tao
-
Nahihirapan sa paghinga
-
Masyadong natutuliro
-
Nakakaramdam ng labis na antok o nahihirapang magising
-
Nahihimatay
-
May bagong pananakit ng dibdib na nagiging mas matindi, mas nagtatagal o kumakalat sa iyong balikat, braso, leeg, panga, o likod
Kailan hihingi ng medikal na pangangalaga
Tumawag kaagad sa tagapangalaga ng iyong kalusugan kung alinman sa mga ito ang mangyari:
-
Mas lumalala ang iyong mga sintomas
-
Mayroon kang matinding depresyon, takot, pagkabalisa, o galit sa iyong sarili o sa iba
-
Pakiramdam mo na wala kang kontrol
-
Pakiramdam mo na maaari mong subukang saktan ang iyong sarili o ang iba
-
Nakakarinig ka ng mga boses na hindi naririnig ng ibang tao
-
Nakakakita ka ng mga bagay na hindi nakikita ng ibang tao
-
Hindi ka natutulog o kumakain sa loob ng 3 araw na magkakasunod
-
Ipinapahayag ng mga kaibigan o kapamilya ang pagkabahala sa iyong pag-uugali at sinasabihan ka na humingi ng tulong
Online Medical Reviewer:
L Renee Watson MSN RN
Online Medical Reviewer:
Paul Ballas MD
Date Last Reviewed:
4/1/2022
© 2000-2025 The StayWell Company, LLC. Lahat ng mga karapatan ay nakalaan. Ang impormasyong ito ay hindi nilalayon bilang kapalit ng propesyonal na medikal na pag-aalaga. Laging sundin ang mga tagubilin ng inyong propesyonal sa pag-aalaga ng kalusugan.