Pamumuo ng Nana sa Ngipin
Ikaw ay na-diagnose na mayroong pamumuo ng nana sa ngipin. Kumpol ito ng likido (nana) sa dulo ng ugat ng ngipin sa buto ng iyong panga. Sanhi ito ng impeksiyon sa ugat ng ngipin. Maaaring mangyari ang pamumuo ng nana kapag nakapasok sa ngipin ang bakterya sa pamamagitan ng tipak sa ngipin, butas, impeksiyon sa gilagid, o kombinasyon ng mga ito. Maiimpeksiyon ang ubod sa loob ng ngipin. Pagkatapos, maaaring kumalat ang bakterya pababa sa mga ugat hanggang sa dulo. Kung hindi napigilan ang bakterya, maaari nitong mapinsala ang buto at malambot na tisyu. Maaaring mamuo ang nana.

Maaaring kabilang sa mga sintomas ang pagkirot, pamumula, o pamamaga ng mga gilagid, pisngi o panga, pagiging sensitibo sa maiinit at malalamig na pagkain at inumin, masamang panlasa sa bibig, at lagnat. Maaaring kumalat ang pananakit mula sa ngipin papunta sa iyong tainga. O maaaring kumalat ang pananakit sa bahagi ng iyong panga sa parehong panig. Kung hindi nagamot ang pamumuo ng nana, mukha itong bula o pamamaga sa gilagid malapit sa ngipin. Ang presyon na nabubuo sa pamamagang ito ay nagdudulot ng pananakit. Pinamamaga ng mas malulubhang impeksiyon ang iyong mukha.
Pangangalaga sa tahanan
Sundin ang mga tagubilin na ito kapag nangangalaga sa iyong sarili sa iyong tahanan:
-
Huwag kumain o uminom ng maiinit at malalamig na pagkain o inumin. Maaaring maging sensitibo ang iyong ngipin sa mga pagbabago sa temperatura. Huwag ngumuya sa panig ng ngipin na naimpeksiyon.
-
Maglagay ng malamig na pakete sa iyong panga sa ibabaw ng bahaging masakit para maibsan ang kirot.
-
Maaari kang gumamit ng gamot na nabibili nang walang reseta para maibsan ang kirot, maliban kung inireseta ang ibang gamot. Kung mayroon kang pangmatagalang sakit sa atay o kidney, o kung nagkaroon ka ng ulser sa sikmura o pagdurugo sa sikmura at bituka (GI), makipag-usap sa iyong tagapangalaga ng kalusugan bago gumamit ng acetaminophen o ibuprofen.
-
Irereseta ang antibiotic. Inumin ito nang eksakto ayon sa itinagubilin ng iyong tagapangalaga ng kalusugan. Inumin ito hanggang maubos ito, kahit na bumuti ang iyong pakiramdam pagkatapos ng ilang araw.
Follow-up na pangangalaga
Mag-follow up sa iyong dentista o sa isang surihano ng bibig, o ayon sa ipinayo. Kapag nangyari ang impeksiyon sa ngipin, magiging problema ito hanggang maalis ang impeksiyon. Isinasagawa ito sa pamamagitan ng operasyon o root canal, o maaaring kailanganin mong ipabunot ang iyong ngipin.
Tumawag sa 911
Tumawag sa 911 kung nangyari ang alinman sa mga ito:
-
Hindi pangkaraniwang pagkaantok o pagkalito
-
Pananakit ng ulo o paninigas ng leeg
-
Panghihina o pagkahimatay
-
Hirap sa paglunok, paghinga, o pagbukas ng iyong bibig
-
Namamagang mga talukap o problema sa paningin
Kailan dapat humingi ng medikal na payo
Tumawag kaagad sa tagapangalaga ng iyong kalusugan kung alinman sa mga ito ang mangyari:
-
Mas namaga o namula ang iyong mukha
-
Lumubha o kumalat ang pananakit sa iyong leeg
-
Lagnat na 100.4ºF (38.0ºC) o mas mataas, o ayon sa itinagubilin ng iyong tagapangalaga
-
Pagtagas ng nana mula sa ngipin