Diabetes at ang Iyong Anak: Pag-unawa sa Type 2 Diabetes
Mayroong type 2 diabetes ang iyong anak. Ibig sabihin nito na ang kanyang katawan ay nahihirapang gumamit ng asukal na tinatawag na glucose para sa enerhiya. Habambuhay na kalagayan ang diabetes. Kung hindi magamot, maaari itong humantong sa malubhang problema sa kalusugan. Maaaring mapamahalaan ang diabetes upang ang iyong anak ay mamuhay ng ganap at malusog na pamumuhay. Ang type 2 diabetes ay hindi naging karaniwan sa mga bata, Ngunit, sa mga nakalipas na taon, mas maraming bata ang nagkakaroon ng type 2 diabetes. Maaari itong maiugnay sa pagtaas ng sobrang katabaan sa pagkabata.
Paano nagkakaroon ng enerhiya ang katawan
Kapag kumakain ang iyong anak, tinutunaw ng kanyang digestive system ang pagkain. Ang ilan sa mga pagkaing ito ay nagiging glucose sa mga bituka. Ang glucose ay iniimbak din at inilalabas ng atay. Ang glucose ay nagbibigay ng enerhiya sa mga selula ng katawan. Dumadaloy ito sa pamamagitan ng dugo para maabot ang mga selula. Kailangan ng glucose ang tulong ng isang hormone na tinatawag na insulin upang umalis sa dugo at makapasok sa mga selula. Ginagawa ang insulin ng isang organ na tinatawag na lapay. Ang insulin ay inilalabas sa dugo, at dumadaloy sa mga selula tulad ng glucose. Kapag nakarating ang insulin sa isang selula, kumikilos itong tulad ng isang susi. Binubuksan nito ang isang "pinto" patungo sa selula upang makapasok ang glucose.


Kapag may type 2 diabetes ang iyong anak
Sa type 2 diabetes, tinutunaw pa rin ang pagkain at nagiging glucose. Dumadaloy pa rin ang glucose sa mga selula. Ngunit maaaring hindi gumawa ang lapay ng sapat na insulin para sa dami ng glucose sa dugo. Maaaring maglabas ang atay ng labis na glucose kaagad. At maaaring hindi tumugon sa tamang paraan ang mga selula ng katawan sa insulin. Tinatawag itong paglaban sa insulin. Dahil dito,nakakakuha ng mas kaunting glucose ang mga selula kaysa kailangan nila. Sa una, gumagawa ang lapay ng mas maraming insulin upang subukang makasabay. Sa paglipas ng panahon, hindi makagawa ang lapay ng sapat na insulin upang mapagtagumpayan ang paglaban. Kapag nangyari ito, naiipon ang glucose sa daluyan ng dugo. Tinatawag na hyperglycemia (mataas na asukal sa dugo) ang napakaraming glucose sa dugo. Kung walang glucose na pumapasok sa mga selula, ang mga selula ng iyong anak ay hindi magkakaroon ng enerhiya na kailangan ng mga ito. Sa paglipas ng panahon, ang mataas na asukal sa dugo ay maaaring magdulot ng iba pang mas malulubhang problema sa kalusugan.

Ano ang nagiging sanhi ng type 2 diabetes?
Ang type 2 diabetes ay madalas na nangyayari sa mga pamilya. Madalas na apektado ang mga pamilya ng African American, Latino, Native American, Asian American, at Pacific Islander. Maaaring mas malamang na magkaroon ng diabetes ang iyong anak kung:
-
Babae siya
-
Naglalaan siya ng mas maraming oras na nakaupo kaysa pagiging aktibo
-
Sobra ang kanyang timbang para sa edad at taas
-
May diabetes ang kanyang magulang o kapatid
-
Nagkaroon ng diabetes ang ina sa panahon ng pagbubunts (gestational diabetes)
-
Nagkaroon siya ng mababang timbang nang ianak
Ano-ano ang mga sintomas ng type 2 diabetes?
Kapag may type 2 diabetes ang iyong anak, nagugutom sa enerhiya ang mga selula ng katawan. Pinakamadalas, maaaring walang anumang sintomas ang isang bata. O ang iyong anak ay maaaring magkaroon ng ilan sa mga sumusunod na sintomas:
-
Uhaw na uhaw
-
Nadagdagan ang pag-ihi
-
Malabong paningin
-
Pagod sa maghapon
-
Matinding pagkagutom
-
Pag-ihi sa higaan o paggising sa gabi para umihi
-
Pagtaas ng timbang o hindi maipaliwanag na pagbaba ng timbang
-
Nahihirapang magtuon ng pansin
-
Mga impeksiyon sa puwerta na dulot ng fungi
Kahit walang sintomas ang iyong anak, maaari pa ring magdulot ng pinsala ang mataas na asukal sa dugo.
Paano nada-diagnose ang type 2 diabetes?
Maaaring makatulong ang mga test sa dugo na ipakita kung ang iyong anak ay may type 2 diabetes. Maaaring magkaroon ng mga test ang iyong anak, tulad ng:
-
Hemoglobin A1C test. Sinusukat ng test na ito ang average na glucose sa dugo sa nakalipas na 2 hanggang 3 buwan. Ang A1C na 6.5% o mas mataas ay nangangahulugan na ang iyong anak ay may diabetes.
-
Fasting plasma glucose (FPG). Sinusuri ng test na ito ang mga antas ng glucose sa dugo pagkatapos ng 8 oras ng pag-aayuno. Magkakaroon ng test ang iyong anak bago ang kanyang unang pagkain para sa araw na iyon. Tinatawag ito na fasting blood glucose level. Ang resultang mas mataas sa o katumbas ng 126 mg/dl ay nangangahulugan na may diabetes ang iyong anak.
-
Oral glucose tolerance test (OGTT). Para sa test na ito, ang antas ng glucose ng iyong anak ay sinusukat bago at pagkatapos ng 2 oras pagkatapos uminom ng matamis na inumin. Ipinapakita nito kung gaano kahusay ang paggamit ng glucose ng kanyang katawan. Ang resulta na 200 mg/dL o mas mataas pagkatapos ng 2 oras ay nangangahulugan na may diabetes ang iyong anak.
-
Random glucose test. Ang test sa dugo na ito ay ginagawa sa anumang oras ng araw. Ang glucose sa dugo na 200 mg/dL o mas mataas na may mga sintomas ng mataas na asukal sa dugo ay nangangahulugan na may diabetes ang iyong anak.
Kung ang iyong anak ay walang anumang sintomas ng mataas na asukal sa dugo, kakailanganin niyang magkaroon ng 2 abnormal na resulta sa test mula sa parehong sample o sa 2 magkahiwalay na sample ng test upang ma-diagnose. Halimbawa: Mangangailangan ang iyong anak ng fasting plasma glucose na higit sa 126 at isang A1C na higit sa 6.5% mula sa parehong sample.
Paano ginagamot ang type 2 diabetes?
Walang lunas para sa type 2 diabetes. Ngunit maaari itong mapamahalaan. Makikipagtulungan sa iyo ang tagapangalaga ng kalusugan ng iyong anak upang gumawa ng plano ng paggamot. Makatutulong ang pagsunod sa plano na mapanatili ang asukal sa dugo ng iyong anak sa isang malusog na hanay. Ang type 2 diabetes ay pinakamadalas nagagamot sa pamamagitan ng:
-
Pagkain ng malulusog na pagkain
-
Hindi pag-inom ng matatamis na inumin
-
Pagiging aktibo
-
Pagbabawas ng timbang
-
Pag-inom ng gamot (kung kinakailangan)
Ano-ano ang mga pangmatagalang alalahanin?
Ang mga taong may masyadong mataas na lebel ng asukal sa dugo sa loob ng maraming taon ay maaaring magkaroon ng mga problema sa kalusugan. Maaaring makaapekto ang mga problemang ito sa puso, mga mata, bato, at nerbiyo. MAAARI kang tumulong na maantala o maiwasan ang mga problemang ito sa iyong anak. Upang gawin ito, makipagtulungan sa iyong pangkat na tagapangalaga ng kalusugan upang pamahalaan ang asukal sa dugo ng iyong anak ayon sa itinagubilin.
Upang malaman ang higit pa
Para sa karagdagang impormasyon tungkol sa diabetes, bisitahin ang mga website na ito:
-
American Diabetes Association www.diabetes.org
-
Children with Diabetes www.childrenwithdiabetes.org
-
Juvenile Diabetes Research Foundation www.jdrf.org
-
American Association of Diabetes Educators www.aadenet.org
-
American Association of Clinical Endocrinologists www.aace.com
-
National Diabetes Information Clearinghouse www.diabetes.niddk.nih.gov
Paano nakaaapekto ang mga pang-araw-araw na isyu sa iyong kalusugan
Maraming bagay sa iyong pang-araw-araw na buhay ang nakaaapekto sa iyong kalusugan. Maaaring kabilang dito ang transportasyon, mga problema sa pera, pabahay, access sa pagkain, at pangangalaga sa bata. Kung hindi ka makakapunta sa mga medikal na appointment, maaaring hindi mo makuha ang pangangalaga na iyong kailangan. Kapag kulang ang pera, maaaring mahirap magbayad para sa mga gamot. At maaaring maging mahirap na bumili ng masustansyang pagkain ang pagtira na malayo sa isang grocery store.
Kung mayroon kang anumang alalahanin, makipag-usap sa iyong pangkat na tagapangangalaga ng kalusugan. Maaaring alam nila ang mga lokal na mapagkukunan upang matulungan ka. O maaaring mayroon silang tauhan na makatutulong sa iyo.
Mag-follow up sa iyong tagapangalaga ng kalusugan
Hindi ibinibigay ng pahinang ito ang lahat ng impormasyon na kailangan mo para alagaan ang iyong anak na may diabetes. Magtanong sa tagapangalaga ng kalusugan ng iyong anak para sa karagdagang impormasyon.