Mga Multidrug-Resistant Organism (mga MDRO)
Lumalaban ang ilang bakterya sa karaniwang mga gamot (mga antibayotiko) na ginagamit para gamutin ang mga ito. Ibig sabihin nito na hindi na napapatay ng mga antibayotiko ang mga mikrobyong iyon. Tinatawag na mga multidrug-resistant organism (mga MDRO) ang bakterya na lumalaban sa paggamot gamit ang mahigit sa 1 uri ng antibayotiko. Pangunahing nakakaapekto ang mga MDRO sa mga tao sa mga ospital at pasilidad ng pangmatagalang pangangalaga. Pero naging mas laganap ang mga ito sa malulusog na mga bata at adulto. Maaaring maging tagapagdala ng bakterya ang isang tao. Ibig sabihin nito na wala silang anumang sintomas mula rito. O maaaring mayroon silang isang impeksiyon mula sa bakterya, ibig sabihin mayroon silang mga sintomas.
-
Kolonisasyon. Kapag nagdadala ang isang tao ng bakteryang MDRO pero walang sintomas, tinatawag itong pagiging kolonisado. Maaaring ikalat ng taong ito ang MDRO sa iba pa. Maaari din silang magkaroon ng mga sintomas sa kinalaunang petsa kung humina ang kanilang resistensya.
-
Impeksiyon. Kapag nagkasakit ang isang tao dahil sa bakterya, nahawa sila sa MDRO. Maaari ding ikalat ng taong ito ang MDRO sa iba pa. Kung hindi nagamot nang tama, maaaring maging napakalubha ng impeksiyon ng MRDO at maaari ding maging sanhi ng pagkamatay.
Ano-ano ang dahilan ng mga MRDO?
Ang mga MDRO ay pangunahing sanhi ng maling paggamit ng mga antibayotiko. Nangyayari ang maling paggamit kapag ang mga antibayotiko ay:
-
Ininom kapag hindi kailangan ang mga ito
-
Hindi iniinom para sa buong panahong inireseta ng tagapangalaga ng kalusugan
-
Ipinakakain nang maramihan sa mga hayop na pinalalaki para gawing pagkain, gaya ng mga manok at baka
Sa una, kaunting bakterya lang ang maaaring makaligtas sa paggamot gamit ang isang antibayotiko. Pero kung mas madalas ginagamit ang mga antibayotiko, mas malamang na magkaroon ng bakteryang lumalaban.
Sino ang nanganganib sa mga MDRO?
Maaaring maging kolonisado o mahawa ng MDRO ang sinuman. Pero mas malamang na mangyari ito dahil sa ilang salik na panganib. Kabilang sa mga ito ang:
-
Pamumuhay kasama ang o may malapit na kontak sa isang taong nahawa o kolonisado
-
Pagpapahiram ng mga bagay sa isang taong nahawa o kolonisado
-
Pagkakaroon ng malubhang sakit o mahinang resistensiya sa sakit
-
Kamakailang pamamalagi sa ospital
-
Paninirahan sa isang nursing home o pasilidad ng pangmatagalang pangangalaga
-
Kamakailang paggamot ng antibayotiko
-
Pagkakaroon ng paulit-ulit na medikal na pamamaraan, gaya ng hemodialysis
-
Pagkakaroon ng medikal na device, gaya ng tubong nakalagay sa pantog upang alisin ang ihi (urinary catheter)
-
Nakalipas na kolonisasyon o impeksiyon ng MDRO
-
Pagiging mas matanda
-
Pag-iniksiyon ng mga ipinagbabawal na gamot
Paano kumakalat ang mga MDRO?
-
Madalas kumakalat ang mga MDRO sa pamamagitan ng direktang kontak ng tao-sa-tao na alinman sa kolonisado o nahawa sa bakterya. Maaaring kumalat ang ilang MDRO kung madikit ang isang tao sa mga bagay na kontaminado ng bakterya. Depende ang ruta ng pagkalat sa bakterya, at kung saan ito nabubuhay sa katawan ng tao. Maaaring kumalat ang mga MDRO sa pamamagitan ng mga inilalabas na likido sa ilong, balat, o mga kamay na hindi nahugasan nang wasto pagkatapos gumamit ng banyo.
-
Sa mga ospital at mga pasilidad ng pangmatagalang pangangalaga, madalas kumalat ang mga MDRO sa mga kamay ng mga manggagawa sa pangangalagang pangkalusugan. Maaari ding maikalat ang mga mikrobyo sa mga bagay gaya ng kariton at mga hawakan ng pinto, at mga barandilya ng kama.
-
Sa labas ng kapaligiran ng pangangalagang pangkalusugan, madalas kumalat ang mga impeksiyon ng MDRO sa pamamagitan ng balat-sa-balat na kontak, hinihiram na mga tuwalya, o kagamitang pang-isport.
Paano nada-diagnose ang mga impeksiyong MDRO?
Nada-diagnose ang mga impeksiyong MDRO sa pamamagitan ng pagpapalaki ng bakterya sa isang lab. Kinokolekta ang sampol mula sa pinaghihinalaang lugar ng impeksiyon. Depende sa impeksiyon, maaaring kailanganin mo ng swab ng balat, pagkultura ng ihi, pagkultura ng dugo, o posibleng pagkultura ng plema para sa mga impeksiyon ng baga. Tinutukoy at sinusuri ang bakterya sa paglaban sa mga antibayotiko.
Ano-anong uri ng impeksiyon ang maaaring maidulot ng mga MDRO?
Maaaring maidulot ng mga MDRO ang mga impeksiyon sa alinmang bahagi ng katawan, kasama ang:
-
Balat
-
Mga baga
-
Daanan ng ihi
-
Daloy ng dugo
-
Mga sugat
Paano ginagamot ang mga impeksiyon ng MDRO?
Madalas na hindi nangangailangan ng paggamot ang kolonisasyon ng MDRO. Pero pinapayuhan ang mga tao na iwasang maikalat sa iba ang MDRO. Depende sa uri ng MDRO na mayroon ang isang tao, maaaring mayroon sila ng prosesong tinatawag na decolonization. Ipapaalam sa iyo ng iyong tagapangalaga ng kalusugan ang higit pa tungkol sa paggamot na ito kung kinakailangan.
Maaaring mahirap gamutin ang mga impeksiyong MDRO. Ito ay dahil hindi tumutugon ang mga ito sa maraming karaniwang antibayotiko. Pero nananatiling mabisa ang ilang antibayotiko laban sa mga MDRO at regular na inirereseta. Magsusuri ang iyong tagapangalaga para sa uri ng MDRO na nagdudulot ng sakit at pipili ng pinakamahusay na antibayotiko.
Maaari bang maiwasan ang mga impeksiyon ng MDRO?
 |
Tumutulong ang madalas na paghuhugas ng mga kamay na maiwasan ang pagkalat ng bakterya. |
Tumutulong ang mga ospital, nursing home, o pasilidad ng pangmatagalang pangangalaga para makaiwas sa mga impeksiyon ng MDRO sa paggawa ng mga sumusunod:
-
Paghuhugas ng kamay. Ito ang nag-iisang pinakamahalagang paraan upang mapigilan ang pagkalat ng mga mikrobyo. Dapat maghugas ang mga manggagawa sa pangangalagang pangkalusugan ng kanilang mga kamay gamit ang sabon at malinis at dumadaloy na tubi bago at pagkatapos gamutin ang bawat tao. O dapat silang gumamit ng panlinis ng kamay na may alkohol bago at pagkatapos gamutin ang bawat tao. Dapat din nilang hugasan ang kanilang mga kamay pagkatapos humawak ng anumang bagay na maaaring kontaminado, at pagkatapos maghubad ng proteksyong damit.
-
Proteksyong damit. Maaaring magsuot ng guwantes, gown at kung minsan ay mask ang mga manggagawa sa pangangalaga ng kalusugan at mga bisita kapag pumapasok sila sa kuwarto ng isang taong may MDRO. Tinatanggal ang damit bago lumabas ng silid.
-
Maingat na paggamit ng mga antibayotiko. Gamitin lang ang mga antibayotiko kapag kinakailangan. Irereseta ng iyong tagapangalaga ang paggamit nito para sa pinakamaikling panahong posible. Gamitin ang antibayotiko ayon sa inireseta, kahit na wala na ang iyong mga sintomas bago mo maubos ang lahat ng gamot. Tumutulong ito upang mapigilan ang pagdami ng bakteryang lumalaban sa antibayotiko.
-
Mga pribadong silid. Inilalagay sa mga pribadong silid ang mga taong may impeksiyon ng MDRO. Ito ay para maiwasan ang pagkalat ng impeksiyon.
-
Araw-araw na paglilinis. Nililinis at dinidisimpekta araw-araw ang lahat ng bagay na ginagamit sa pangangalaga ng pasyente, kagamitan, at ibabaw ng silid.
-
Pagsubaybay. Binabantayang mabuti ng mga ospital ang pagkalat ng mga MDRO. Tinuturuan din nila ang lahat ng tauhan tungkol sa pinakamahuhusay na paraan para maiwasan ito.
Maaaring makatulong ang mga tao sa ospital na makaiwas sa mga impeksiyon ng MDRO sa paggawa ng mga sumusunod:
-
Hilingin sa lahat ng tauhan ng ospital at mga bisita na maghugas ng kanilang mga kamay bago at pagkatapos kang hawakan. Huwag matakot na magsalita.
-
Madalas na hugasan ang sarili mong mga kamay gamit ang sabon at malinis, dumadaloy na tubig. O gumamit ng hand-gel na may alkohol.
-
Hilingin na punasan ng alkohol ang mga stethoscope at iba pang gamit bago gamitin ang mga ito sa iyo.
Kung nag-aalaga ka ng isang taong may impeksiyon ng MDRO:
-
Hugasan ang iyong mga kamay gamit ang sabon at malinis, dumadaloy na tubig nang hindi bababa sa 20 segundo bago at pagkatapos ang anumang kontak sa tao.
-
Magsuot ng mga guwantes kung maaari mong mahawakan ang mga likido ng katawan. Itapon ang mga guwantes pagkatapos isuot ang mga ito. Pagkatapos, hugasang mabuti ang iyong mga kamay gamit ang sabon at malinis na dumadaloy na tubig.
-
Labhan ang mga sapin sa higaan, tuwalya, at damit ng tao sa mainit na tubig gamit ang sabong panlaba at likidong pampaputi.
-
Linisin nang madalas ang silid ng tao gamit ang mga pangdisimpekta na pambahay. O gumawa ng sarili mong panlinis. Gawin ito sa pamamagitan ng pagdaragdag ng 1/4 na tasa ng likidong pampaputi sa 1 galon ng tubig.
Maaaring makatulong ang bawat isa na makaiwas sa impeksiyon ng MDRO sa paggawa ng mga sumusunod:
-
Madalas na hugasan ang iyong mga kamay gamit ang sabon at malinis, dumadaloy na tubig.
-
Linisin ang buong kamay, singit ng iyong mga kuko, pagitan ng iyong mga daliri, at hanggang sa mga pulsuhan.
-
Maghugas nang hindi bababa sa 15 hanggang 20 segundo.
-
Banlawan. Hayaang dumaloy ang tubig pababa sa iyong mga daliri, hindi pataas sa iyong galang-galangan.
-
Tuyuin nang mabuti ang iyong mga kamay. Gumamit ng tuwalyang papel para isara ang gripo at buksan ang pinto.
-
Kung walang magagamit na sabon at tubig, gumamit ng panlinis ng kamay na may alkohol.
-
Pumisil ng halos 1 kutsara ng panlinis sa palad ng 1 kamay.
-
Pagkuskusin nang mabilis ang iyong mga kamay. Linisin ang likod ng iyong mga kamay, mga palad, sa pagitan ng iyong mga daliri, at pataas sa iyong mga pulsuhan.
-
Kuskusin hanggang mawala ang panlinis at lubusang matuyo ang iyong mga kamay.
-
Panatilihing malinis ang mga sugat at gasgas at takpan hanggang maghilom ang mga ito.
-
Huwag madikit sa mga sugat o benda ng isa pang tao.
-
Huwag ipahiram ang mga tuwalya, pang-ahit, damit, at kagamitang pang-isport.