Pag-unawa sa Parkinson Disease
Ang Parkinson disease ay isang kondisyon na nakakaapekto sa pagkontrol sa iyong paggalaw. Sanhi ito ng kakulangan sa dopamine, isang kemikal na tumutulong sa mga selula ng nerbyu sa iyong utak na makipag-ugnayan sa isa't isa. Kapag nawawala ang dopamine mula sa ilang bahagi ng utak, nawawala o nasisira ang mga mensahe na nagsasabi sa iyong katawan kung paano gumalaw. Maaari itong humantong sa mga sintomas tulad ng panginginig, paninigas, at mabagal na paggalaw. Walang lunas para sa Parkinson disease. Ngunit makakatulong ang tamang paggamot upang maibsan ang mga sintomas at bigyang-daan ka na mabuhay nang ganap at aktibo.
Mga pagbabago sa utak
Ang dopamine ay nalilikha sa isang maliit na bahagi ng utak na tinatawag na substantia nigra. Para sa mga kadahilanang hindi pa malinaw, ang mga selula ng nerbyu sa bahaging ito na gumagawa ng dopamine ay nagsisimulang mamatay. Nangangahulugan ito na mas kaunting dopamine ang nagagamit upang makatulong na kontrolin ang iyong mga paggalaw. Kapag malusog, lumilikha ang substantia nigra ng sapat na dopamine upang tumulong na kontrolin ang mga paggalaw ng iyong katawan.

Mga sintomas ng Parkinson disease
Kadalasang unti-unting ang paglitaw ng mga sintomas ng Parkinson. Maaaring abutin ng ilang taon ang ilang sintomas bago mabuo. Maaaring sadyang hindi ka magkaroon ng ibang mga sintomas. Nasa ibaba ang pinakakaraniwang sintomas:
-
Panginginig (resting tremor). Maaari nitong maapektuhan ang mga kamay, braso, at binti. Kadalasan, ang panginginig ay mas malubha sa isang bahagi ng katawan. Kadalasan itong nababawasan kapag ang braso o binti (paa) ay ginamit.
-
Mabagal na paggalaw (bradykinesia). Maaari nitong maapektuhan ang buong katawan. Maaaring lumakad ang tao nang may maikli at pahilahod na mga hakbang. Maaari din silang makaramdam na "naninigas sa lamig" at hindi makagalaw.
-
Paninigas (rigidity). Nangyayari ito kapag ang mga kalamnan ay hindi nakakarelaks. Maaari itong magsanhi ng mga pananakit ng kalamnan at kurkubadong tindig.
-
Iba pang mga sintomas. Kabilang dito ang mga problema sa pagbalanse ng katawan, maliliit na sulat-kamay, mahinang boses, pagtitibi, nabawasan o "walang" ekspresyon ng mukha, at mga problema sa pagtulog. Maaari ring mangyari ang pagkawala ng memorya o iba pang problema sa pag-iisip habang nagpapatuloy ang sakit.
Paano nada-diagnose ang Parkinson?
Walang iisang pagsusuri para sa Parkinson disease. Ang pagsusuri ay batay sa iyong mga sintomas, kasaysayan ng kalusugan, at sa pagsusuri ng katawan. Maaari ka ring magkaroon ng mga pagsusuri upang makatulong na alisin ang mga hindi kaugnay na problema. Maaaring kabilang dito ang mga pagsusuri ng dugo upang mahanap ang mga sakit na nagiging sanhi ng katulad na mga sintomas. Maaari din nilang isama ang mga pagsusuri na brain-imaging, tulad ng MRI o CT scan ng utak.
Parkinsonism ang pangalan ng grupo ng mga kondisyon ng utak na lahat ay may mga sintomas na katulad ng Parkinson disease. Gayunpaman, ang mga sanhi ng mga sintomas na ito ay iba't iba. Sa ilang kaso, maaaring magresulta ng mga stroke o pinsala sa ulo ang mga sintomas na mga uri ng Parkinson. Maaari ding sanhi ang mga ito ng mga gamot o iba pang sakit na nakakaapekto sa utak. Sa pangkalahatan, hindi rin magagamot ang mga kondisyong ito gamit ang mga gamot na tumutulong sa mga taong may Parkinson disease.
© 2000-2025 The StayWell Company, LLC. All rights reserved. This information is not intended as a substitute for professional medical care. Always follow your healthcare professional's instructions.