Health Encyclopedia
Search Clinical Content Search Health Library
A B C D E F G H I J K L M N O P Q R S T U V W X Y Z A-Z Listings

Pamumuhay na may Rheumatoid Arthritis

Ang rheumatoid arthritis (RA) ay isang sakit na hindi gumaling-galing. Pero hindi nito dapat pigilan kang maging aktibo. Isa itong autoimmune disease kung saan inaatake ng iyong immune system ang lining ng iyong mga kasukasuan. Maaari kang tumulong na kontrolin ang RA sa pamamagitan ng gamot, ehersisyo, at malusog na pamumuhay. Siguraduhin na magpatingin sa iyong tagapangalaga ng kalusugan para sa mga nakaiskedyul na checkup at pagsusuri sa laboratoryo. Kaya sa ilang pagkakataon, maaaring i-refer ka sa isang rheumatologist. Isa itong tagapangalaga ng kalusugan na may espesyalisasyon sa arthritis at mga kaugnay na sakit.

Gawing bahagi ng buhay mo ang pag-eehersisyo

Babaeng nag-eehersisyo sa isang pool.

Makatutulong ang ehersisyo na mabawasan ang iyong kirot. Tandaan ang sumusunod:

  • Pumili ng mga ehersisyo na pinabubuti ang paggalaw ng kasukasuan at ginagawang mas malakas ang mga kalamnan mo. Maaaring magpayo ang iyong tagapangalaga ng kalusugan na magpakonsulta sa isang physical therapist para sa ilang ehersisyo na maaaring makatulong.

  • Dapat mag-ehersisyo ang karamihang tao nang hindi bababa sa 30 minuto kada araw sa karamihang araw ng linggo. Maaari itong paghiwa-hiwalayin sa mas maiikling yugto sa araw.

  • Subukan ang paglakad, pagbibisikleta, o pag-eehersisyo sa maligamgam na pool. Humanap ng mga programa sa iyong komunidad para sa mga taong may arthritis. 

  • Huwag masyadong pilitin ang sarili mo sa simula. Unti-unting dagdagan sa paglipas ng panahon.

  • Siguraduhing mag-warm up sa loob ng 5 hanggang 10 minuto tuwing mag-eehersisyo ka. Madalas na nakatutulong ang mga ehersisyong pag-iinat at pagbaluktot. 

  • Kung madagdagan ang kirot at paninigas, huwag mag-ehersisyo nang kasing bigat o kasing haba.

Bantayan ang iyong timbang

Kung mahigit ang timbang kaysa sa nararapat, may dagdag na puwersa sa iyong mga kasukasuan na nagdadala ng timbang. Pinalulubha nito ang iyong mga sintomas. Upang mabawasan ang kirot at paninigas, subukang bawasan nang kaunti ang timbang. Maaaring makatulong ang mga payong ito:

  • Simulan ang isang programa sa pagbabawas ng timbang sa tulong ng iyong tagapangalaga ng kalusugan.

  • Humingi ng suporta sa iyong mga kaibigan at kapamilya.

  • Sumali sa isang grupo na nagbabawas ng timbang.

Pag-aralan ang mga paraan upang makaya

Nahihirapan ang karamihang taong may mga pangmatagalang kondisyon na harapin ang mga emosyon na kadalasang kasama ng kanilang mga kondisyon. Sa rheumatoid arthritis, mayroon ding kirot. 

  • Makipagtulungan sa iyong tagapangalaga ng kalusugan tungkol sa mga paraan upang mabawasan ang kirot. Magagamit ang mga gamot, paggamit ng init at lamig, at iba pang paraan.

  • Matutong mag-relaks. Maaaring hindi ito madali, pero tumutulong ito na mabawasan ang stress, pagkabalisa, at kirot. Mga halimbawa ng mga paraan ng pagrerelaks ang mga simpleng ehersisyo ng paghinga nang malalim, pagninilay, at yoga.

  • Karaniwan ang depresyon sa mga pangmatagalang kondisyon. Kung nalulungkot ka, siguraduhing makipag-usap sa iyong tagapangalaga ng kalusugan. Muli, magagamit ang mga paggamot gaya ng gamot at pagpapayo.

Subukang gawing mas madali ang iyong araw

May mga bagay na maaari mong gawin araw-araw upang protektahan ang iyong mga kasukasuan:

  • Pag-aralang balansehin ang pamamahinga sa mga gawain. Kahit sa mga araw kapag kakaunti ang iyong mga sintomas, mahalaga pa rin ang pamamahinga.

  • Humingi ng tulong sa mga kaibigan at miyembro ng pamilya. Malaki ang magagawa para sa iyo ng tulong sa mga simpleng bagay. Halimbawa, maaari mong hilingin sa isang tao na magpalit ng bombilya, o ilabas ang iyong lingguhang basura.

  • Gumamit ng mga pantulong na device , na mga espesyal na kagamitan na binabawasan ang puwersa at pinoprotektahan ang mga kasukasuan. Halimbawa:

    • Mga reacher o grabber na may mahabang handle para sa pag-abot ng mataas at mababa

    • Mga pambukas ng garapon, tasang 2 ang hawakan, at mga button threader—tumutulong ang lahat ng device na ito na protektahan ang iyong mga daliri, kamay, at galang-galangan

    • Malalaking grip para sa mga lapis, pen, at mga gamit sa kusina at hardin

Para sa karagdagang payo tungkol sa pagprotekta ng iyong mga kasukasuan, bisitahin ang Arthritis Foundation sa www.arthritis.org .

Gumamit ng mobility at iba pang tulong

Madalas na gumagamit ang mga taong may arthritis at iba pang problema na nakaaapekto sa kasukasuan ng mga mobility aid upang makatulong sa paglalakad. Maaaring kabilang sa mga ito ang mga tungkod o walker. Maaari din silang gumamit ng mga splint o brace upang suportahan ang mga kasukasuan. Makipag-usap sa iyong tagapangalaga ng kalusugan o therapist tungkol sa mga pantulong na ito. Halimbawa, maaaring malaman mong kapaki-pakinabang na:

  • Gumamit ng isang tungkod upang mabawasan ang kirot sa tuhod o balakang at makatulong na maiwasan ang pagkadapa

  • Gumamit ng mga splint para sa iyong galang-galangan o iba pang kasukasuan

  • Magsuot ng isang brace upang suportahan ang mahinang kasukasuan ng tuhod

Online Medical Reviewer: Diane Horowitz MD
Online Medical Reviewer: Raymond Kent Turley BSN MSN RN
Online Medical Reviewer: Rita Sather RN
Date Last Reviewed: 10/1/2021
© 2000-2025 The StayWell Company, LLC. Lahat ng mga karapatan ay nakalaan. Ang impormasyong ito ay hindi nilalayon bilang kapalit ng propesyonal na medikal na pag-aalaga. Laging sundin ang mga tagubilin ng inyong propesyonal sa pag-aalaga ng kalusugan.
Powered by Krames by WebMD Ignite
About StayWell | Terms of Use | Privacy Policy | Disclaimer