Diabetes: Pangangalaga sa Iyong Katawan
Kapag mayroon kang diabetes, kailangan ng iyong katawan ng espesyal na pangangalaga. Tinutulungan ka ng pangangalagang ito na manatiling malusog at maiwasan ang mga problema. Bahagi nito ang ehersisyo at malusog na pagkain. Maaari mo ring pangalagaan ang iyong sarili sa pamamagitan ng paggawa ng espesyal na pangangalaga sa iyong mga paa, balat, mga ngipin, at mga mata.
Pangangalaga sa iyong mga paa

Sundin ang mga tip na ito para makatulong na mapanatiling malusog ang iyong mga paa:
-
Suriin ang iyong mga paa araw-araw para sa pamumula, paltos, bitak, tuyong balat, o pamamanhid. Gumamit ng salamin para suriin ang mga ilalim ng iyong mga paa, kung kinakailangan. O humingi ng tulong.
-
Hugasan ang iyong mga paa sa maligamgam (hindi mainit) na tubig. Huwag ibabad ang mga ito.
-
Gumamit ng emery board para panatilihing pantay ang iyong mga kuko sa paa sa mga dulo ng iyong mga daliri sa paa. Kikilin ang matatalas na gilid. Maaaring kailanganin ng isang tagapangangalaga ng kalusugan na dalubhasa sa pangangalaga ng paa at bukung-bukong (podiatrist) na putulin ang iyong mga kuko sa paa para sa iyo.
-
Pakinisin nang banayad ang mga kalyo. O maghintay hanggang sa iyong susunod na podiatry appointment.
-
Panatilihing malambot at makinis ang iyong balat sa pamamagitan ng paglalagay ng manipis na layer ng losyon sa balat sa mga ibabaw o ilalim ng iyong mga paa. Huwag lagyan ng losyon ang pagitan ng iyong mga daliri sa paa.
-
Palaging magsuot ng mga sapatos o tsinelas, kahit nasa loob ng iyong bahay. Siguraduhing tama ang lapat ng mga sapatos, hindi sobrang mahigpit at hindi sobrang maluwag. Maaari itong magdulot ng pagkiskis at pagkuskos ng iyong mga paa. Palitan ang iyong mga medyas araw-araw. Laging tingnan ang mga sapatos para sa mga bagay na mula sa labas bago isuot ang mga ito.
-
Tumawag kaagad sa iyong tagapangalaga ng kalusugan kung namamanhid o masakit ang iyong mga paa. Tumawag din sa iyong tagapangalaga kung hindi naghihilom ang isang hiwa o sugat sa loob ng ilang araw.
Pag-iwas sa mga impeksiyon sa balat
Para makaiwas sa mga impeksiyon sa balat, maligo araw-araw. Ngunit gumamit ng katamtamang temperatura ng tubig. Tuyuing mabuti ang iyong sarili, lalo na sa pagitan ng iyong mga daliri sa paa. Subukang panatilihin ang iyong bahay na mahalumigmig sa panahon ng mas malalamig na mga buwan ng taon upang maiwasang manuyo ang iyong balat. Hugasan ang anumang hiwa ng maligamgam at masabong tubig. Takpan ng malinis na benda. Tumawag sa iyong tagapangalaga kung hindi naghihilom ang hiwa o sugat sa loob ng ilang araw, pakiramdam na mainit, nangangati, namamaga, may tumatagas na likido, o mabaho.
Pangangalaga sa iyong mga ngipin
Sundin ang mga tagubilin na ito para sa malusog na mga ngipin:
-
Magsipilyo ng iyong mga ngipin dalawang beses sa isang araw.
-
I-floss ang iyong mga ngipin araw-araw.
-
Magpatingin sa iyong dentista nang hindi bababa sa dalawang beses sa isang taon o ayon sa ipinayo.
-
Panatilihin ang iyong asukal sa dugo sa magandang range.
Pangangalaga sa iyong mga mata
Magkaroon ng komprehensibong pagsusuri ng mata nang nakabuka bawat taon ng tagapangalaga ng mata, tulad ng optometrist o ophthalmologist. Ipaalam sa iyong tagapangalaga ng kalusugan kung mayroon ka ng alinman sa mga sintomas na ito:
-
Malabo o maulap na paningin
-
Maiitim na dungis o "mga butas"
-
Mga pagkislap ng liwanag
-
Pagkakita ng mas maraming lumulutang kaysa karaniwan
-
Malabong paningin sa gabi
-
Pagkawala ng peripheral (gilid) na paningin
Kung ikaw ay naninigarilyo, tumigil na
Mapanganib ang paninigarilyo para sa lahat, lalo na sa mga taong may diabetes. Hindi dapat gumamit ang mga taong may diabetes ng mga sigarilyo o iba pang produktong may tabako o mga e-cigarette. Maaari nitong mapinsala ang mga daluyan ng dugo sa iyong mga mata, bato, nerbiyo, at puso. Pinatataas nito ang presyon ng dugo. Maaari ding pabagalin ng paninigarilyo ang paggaling, kaya mas malamang ang mga impeksiyon. Itanong sa iyong tagapangalaga ng kalusugan ang tungkol sa mga programa upang matulungan kang huminto sa paninigarilyo.
Online Medical Reviewer:
Chris Southard RN
Online Medical Reviewer:
Rajadurai Samnishanth Researcher
Online Medical Reviewer:
Rita Sather RN
Date Last Reviewed:
3/1/2024
© 2000-2025 The StayWell Company, LLC. Lahat ng mga karapatan ay nakalaan. Ang impormasyong ito ay hindi nilalayon bilang kapalit ng propesyonal na medikal na pag-aalaga. Laging sundin ang mga tagubilin ng inyong propesyonal sa pag-aalaga ng kalusugan.