Health Encyclopedia
Search Clinical Content Search Health Library
A B C D E F G H I J K L M N O P Q R S T U V W X Y Z A-Z Listings

Diabetes: Pagsusuri sa Iyong mga Paa

Pinalalaki ng diabetes ang iyong mga tsansa na magkaroon ng mga problema sa paa. Kaya suriin ang iyong mga paa araw-araw. Tumutulong ito sa iyo na makita ang maliliit na iritasyon sa balat bago maging malubhang sugat ang mga ito (mga ulcer) o impeksiyon. Kung nahihirapan kang tingnan ang ilalim ng iyong mga paa, gumamit ng salamin o humingi ng tulong sa isang kapamilya o kaibigan.

Paano suriin ang iyong mga paa

Lalaking nagsusuri ng talampakan gamit ang salamin.

Makatutulong ang mga payong ito sa iyo upang maghanap ng mga problema sa paa. Subukang tingnan ang iyong mga paa sa parehong oras bawat araw, kagaya ng pagbangon mo sa iyong kama sa umaga:

  • Tingnan ang ibabaw ng bawat paa. Maaaring makakuha ng maraming pagkiskis ang mga ibabaw ng mga daliri ng paa, likod ng sakong, at panlabas na gilid ng paa mula sa hindi kasyang sapatos.

  • Tingnan ang ilalim ng bawat paa. Kadalasang humahantong ang pang-araw-araw na pagkapudpod at pagkasira sa mga problema sa mga lugar ng presyon.

  • Tingnan ang mga daliri ng paa, kuko, at pagitan ng bawat daliri. Kadalasang nangyayari ang mga impeksiyon ng fungus sa pagitan ng mga daliri ng paa. Maaari ding palatandaan ng mga impeksiyon sa fungus ang mga problema sa kuko ng paa o humantong sa mga sira sa balat.

  • Tingnan din ang iyong mga sapatos. Maaaring makapinsala sa paa ang maluluwag na bagay sa loob ng sapatos. Gamitin ang iyong kamay upang damhin ang loob ng iyong sapatos para sa mga bagay tulad ng maliliit na bato, maluwag na pagkatahi, o magagaspang na bahagi na maaaring makairita sa iyong balat.

Mga tanda ng babala

Tingnan ang anumang pagbabago ng kulay sa paa. Maaaring magpahiwatig ng matinding impeksiyon ang pamumula na may mga bahid, na nangangailangan ng mabilis na pangangalagang medikal. Sabihin kaagad sa iyong tagapangalaga ng kalusugan kung mayroon ka ng alinman sa mga problemang ito:

  • Maaaring senyales ng mahinang daloy ng dugo o impeksiyon ang pamamaga, na kung minsan ay may mga pagbabago sa kulay. Kabilang sa mga sintomas ang pananakit at paglaki ng sukat ng iyong paa. Ginagawang mas mahirap para gumaling ang sugat ng sobrang likido (edema).

  • Maaaring mga senyales ng impeksiyon ang maligamgam o mainit na mga bahagi sa iyong mga paa. Maaaring hindi nakakukuha ng sapat na dugo ang namumulang paa kapag nakabitin ito. Maaari ding malamig ito.

  • Maaaring mga senyales ng problema sa nerbiyo ang mga pakiramdam tulad ng pagkapaso, pangingilig, o “mga aspili at karayom”. Suriin din kung may mga namamanhid na bahagi.

  • Ang mga hot spot ay sanhi ng pagkikis o presyon. Maghanap ng mga hot spot sa mga bahagi na laging nakukuskos. Maaring maging mga paltos, kalyo, o sugat ang mga hot spot.

  • Sanhi ng tuyo o iritadong balat ang mga bitak at sugat. Senyales ang mga ito na nasisira ang balat. Maaari itong humantong sa impeksiyon.

  • Kabilang sa mga problema sa kuko ng daliri sa paa na dapat bantayan ang pagtubo ng mga kuko sa balat (ingrown na kuko sa paa). Maaari itong maging sanhi ng pamumula o kirot. Maaaring senyales ng impeksiyon sa fungus ang makapal, madilaw, o kupas ang kulay na mga kuko.

  • Maaaring mangyari ang pagtagas ng likido at mabahong amoy sa hindi nagagamot na mga sugat. Tumawag kaagad sa iyong tagapangalaga kung mayroon kang puti o dilaw na likido, pagdurugo, o mabahong amoy na nagmumula sa isang sugat. 

  • Kung makakita ka ng anuman sa iyong pang-araw-araw na pagsusuri ng paa na nakababahala sa iyo, tumawag sa iyong tagapangalaga. Napakahalagang alagaan kaagad ang anumang problema sa paa.

Online Medical Reviewer: Marianne Fraser MSN RN
Online Medical Reviewer: Raymond Kent Turley BSN MSN RN
Online Medical Reviewer: Robert Hurd MD
Date Last Reviewed: 11/1/2021
© 2000-2025 The StayWell Company, LLC. Lahat ng mga karapatan ay nakalaan. Ang impormasyong ito ay hindi nilalayon bilang kapalit ng propesyonal na medikal na pag-aalaga. Laging sundin ang mga tagubilin ng inyong propesyonal sa pag-aalaga ng kalusugan.
Powered by Krames by WebMD Ignite
About StayWell | Terms of Use | Privacy Policy | Disclaimer