Health Encyclopedia
Search Clinical Content Search Health Library
A B C D E F G H I J K L M N O P Q R S T U V W X Y Z A-Z Listings

Impeksiyon na Staph (Hindi-MRSA)

Sanhi ng bakterya ang impeksiyon ng staph. Tinatawag ang bakterya na Staphyloccus aureus. Ang mga bakteryang ito ay karaniwang mga mikrobyo. Karamihan sa malulusog na adulto ay karaniwang nagdadala ng mikrobyong staph sa kanilang ilong at balat. Pinakamadalas, hindi nagdudulot ng sakit ang mga ito. Ngunit kung ang iyong balat ay may hiwa, maaaring pumasok ang staph sa iyong katawan at maging sanhi ng impeksiyon. Maaari itong maging sanhi ng maraming uri ng problema. Maaari itong magdulot ng banayad na impeksiyon. O maaari itong magdulot ng malalang impeksiyon sa iyong balat, malalalim na tisyu, mga baga, buto, at dugo.

Madalas na gumagaling nang kusa ang impeksiyon ng staph. O madali itong ginagamot gamit ang mga antibayotiko. Pero lumalaban sa ilang antibayotiko ang ilang bakteryang Staph at mas mahirap gamutin. Sinasabi ng dokumentong ito ang higit pa tungkol sa mga impeksiyong staph at kung ano ang maaari mong gawin upang maiwasan ang mga ito.

Paano kumakalat ang staph?

Malapitang kuha ng ibabang mukha at leeg. Nagsusugat ang impeksyong sanhi ng staphilococcus sa ilong at malapit sa bibig.
Dahil ang staph ay nadadala sa ilong, kadalasang nangyayari ang impeksyon ng balat malapit sa ilong o bibig o pareho.

Kumakalat ang staph sa pamamagitan ng kontak sa balat ng taong may impeksiyon. Kumakalat din ito sa pamamagitan ng pagkadikit sa mga kontaminadong bagay. Kabilang sa mga ito ang:

  • Hinihiram na mga tuwalya

  • Mga gamit sa bahay

  • Mga kagamitang pang-isport

Sino ang nanganganib sa impeksiyong staph?

Maaaring magkaroon ng impeksiyong staph ang sinuman. Nagiging mas malamang ito dahil sa ilang dahilang, gaya ng:

  • Nakatira o may malapit na kontak sa isang taong may staph

  • Pagkakaroon ng bukas na sugat

  • Pagkakaroon ng hiwa o iba pang pinsala sa balat

  • Paglalaro ng mga contact sports o paghiram ng mga tuwalya o kagamitang pang-isport

  • Kasalukuyan o kamakailang pananatili sa isang ospital o pasilidad ng pangmatagalang pangangalaga

  • Isang kamakailang operasyon o paggamot ng sugat

  • Pagkakaroon ng tubo ng pagkain o catheter sa iyong katawan

  • Pagtanggap ng kidney dialysis

  • Pagkakaroon ng mahinang immune system o malubhang sakit

  • Pag-iniksiyon ng mga ipinagbabawal na gamot

Ano-anong kondisyon ang maaaring idulot ng impeksyong staph?

Madalas nagsisimula sa iyong balat ang impeksiyong staph. Maaari itong lumitaw bilang maliliit na mapupulang umbok. Tila mga tagihawat o kagat ng gagamba ang mga ito. Maaaring maging mga impeksiyon na puno ng nana (mga naknak) ang mga sugat na ito. Maaaring kumalat ang mga impeksiyong staph nang mas malalim sa iyong katawan. Maaaring maging sanhi ang mga ito ng alinman sa mga ito:

  • Mga impeksiyon sa mga buto (osteomyelitis), kalamnan, at iba pang tisyu

  • Impeksiyon ng baga (pulmonya)

  • Impeksiyon sa isang sugat pagkatapos ng operasyon

  • Impeksiyon sa dugo (bacteremia)

  • Impeksiyon ng pinakadingding ng iyong puso at ng mga balbula ng iyong puso (endocarditis)

  • Sakit na dulot ng mga lason na dulot ng staph (toxic shock syndrome)

  • Mga paltos at sariwang balat (scalded skin syndrome)

Paano nada-diagnose ang impeksiyon na staph?

Madalas na mada-diagnose ng tagapangalaga ng iyong kalusugan ang impeksiyon na staph batay sa kung ano ang hitsura nito. Maaari din silang kumuha ng sampol ng likidong tumatagas mula sa sugat. Dinadala ang sampol na ito sa laboratoryo para paramihin bilang culture. Sa mas malubhang impeksiyon, maaaring gawin ang ibang pagsusuri. Maaaring suriin ang sampol ng dugo o ihi, uhog mula sa mga baga (sputum), o biopsy ng tisyu na may impeksiyon. Dinadala ang sampol sa laboratoryo at sinusuri para sa staph.

Paano ginagamot ang impeksiyon na staph?

Kadalasang ginagamot ang maliit na impeksiyon sa balat gamit ang maligamgam na pagbababad at karaniwang pangangalaga ng sugat, kabilang ang benda. Kung mas matindi ang impeksiyon, maaaring ireseta ang antibayotiko. Maaaring inumin ito bilang isang tableta. O maaari itong ipahid sa balat bilang isang ointment. Para sa mas malubha pang impeksiyon, maaaring magreseta ang iyong tagapangalaga ng mas mabisang antibayotiko na itinuturok sa ugat. Kung mayroon kang nana (abscess), maaari itong patuluin ng iyong tagapangalaga.

Paano ko maiiwasan ang mga impeksiyon na staph?

Para mabawasan ang pagkalat ng mga impeksiyon na staph: 

  • Panatilihing malinis ang mga sugat at gasgas at takpan hanggang maghilom ang mga ito.

  • Iwasang madikit sa mga sugat o benda ng ibang tao.

  • Huwag ipahiram ang mga personal na gamit tulad ng mga tuwalya, pang-ahit, damit, o kagamitang pang-isport.

  • Panatilihing malinis ang mga kamay. Laging maghugas ng iyong mga kamay:

    • Bago at pagkatapos maghanda ng pagkain at kumain

    • Bago at pagkatapos mangalaga sa isang tao na nagsusuka o nagtatae

    • Bago at pagkatapos mangalaga para sa pinsala sa balat

    • Pagkatapos gumamit ng palikuran, magpalit ng lampin, humipo ng hayop o dumi ng hayop, suminga, bumahin, o umubo

Mga payo sa maayos na paghuhugas ng kamay:

  • Gumamit ng sabon at malinis, dumadaloy na tubig. Pabulain nang mabuti.

  • Linisin ang iyong buong kamay, sa ilalim ng iyong mga kuko, sa pagitan ng iyong mga daliri, at pataas sa iyong galang-galangan.

  • Maghugas nang hindi bababa sa 20 segundo. Huwag pupunasan lang. Kuskusin ito nang mabuti.

  • Banlawang mabuti ang iyong mga kamay gamit ang malinis at dumadaloy na tubig.

  • Tuyuin nang mabuti ang iyong mga kamay. Gumamit ng tuwalyang papel para isara ang gripo at buksan ang pinto.

Mga payo sa paggamit ng mga hand gel na may alkohol (kapag hindi maaaring gumamit ng sabon at tubig):

  • Gumamit ng hand sanitizer na nagtataglay ng hindi bababa sa 60% alkohol.

  • Gumamit ng sapat na gel upang ganap na mabasa ang iyong mga kamay.

  • Pagkuskusin nang mabilis ang iyong mga kamay. Linisin ang likod ng iyong mga kamay, ang mga palad, sa pagitan ng iyong mga daliri, at pataas sa iyong galang-galangan.

  • Kuskusin hanggang mawala ang gel at ganap na tuyo ang iyong mga kamay. Tumatagal ito ng halos 20 segundo.

Tamang pag-inom ng antibayotiko

Maaaring narinig mo na ang MRSA. Ito ay methicillin-resistant Staphylococcus aureus. Ito ay isang uri ng bakteryang staph na mahirap patayin (lumalaban) gamit ang mga antibayotiko na dating pumapatay dito. Nangangahulugan ito na hindi magagamot ang bakterya ng ilang antibayotiko (tulad ng methicillin) na mabisa sa ibang uri ng staph. Pero maaaring gumana ang iba pang antibayotiko.

Maaaring ikalat ng ibang tao ang bakteryang lumalaban. O maaaring mabuo ang mga ito kapag hindi inireseta ang mga antibayotiko o hindi ininom nang tama. Kasama rito ang kapag ang mga antibayotiko ay:

  • Ininom nang mas matagal kaysa kinakailangan

  • Hindi ininom nang matagal

  • Ininom kapag hindi kailangan

Ito ang dahilan kung bakit:

  • Maaaring hindi magreseta ang iyong tagapangalaga ng mga antibayotiko maliban kung nakatitiyak siya na kailangan mo ang mga ito.

  • Dapat mong inumin ang antibayotiko nang eksakto sa kung ano ang sinabi sa iyo ng iyong tagapangalaga.

  • Hindi ka dapat lumaktaw ng dosis.

  • Kailangan mong inumin ang gamot hanggang maubos ito, kahit mabuti na ang iyong pakiramdam.

© 2000-2025 The StayWell Company, LLC. All rights reserved. This information is not intended as a substitute for professional medical care. Always follow your healthcare professional's instructions.
Powered by Krames by WebMD Ignite
About StayWell | Terms of Use | Privacy Policy | Disclaimer